MGA PAALALA PARA SA TULOG AT NAGTUTULOG-TULOGAN; PARA SA GISING AT NAGGIGISING-GISINGAN

 

Photo credit: Rodne Galicha, Marawi 2017.

Photo credit: Rodne Galicha, Marawi 2017.

Hindi ako DDS, hindi ako Dilawan, hindi ako Terorista. Ako ay isang taga-islang buong loob na nagmamasid, at nakikialam kung kinakailangan. Tumutulong ako sa pamahalaan at itinataguyod ang kanyang magagandang programa para sa sambayanan; pinupuna ang mali at nagpapanukala’t nagmumungkahi kung ano ang nararapat. Ako ay Pilipino at mahal ko ang Pilipinas.

Hindi ako abugado ngunit ito ang itinuro sa akin at akin namang natutunan:

Ang Pangulo at Ehekutibo, Kapulungan, at Hudikatura o ang Pamahalaan sa kabuuan ay HINDI Estado. Ang Estado ay Pamahalaan, Sambayanan, Teritoryo at Soberenya. Ang pamahalaan ay may tatlong sangay, ang sambayanan ay mahigit isandaang milyon, at ang teritoryo’t soberenya ng bansa ay nararapat na ipaglaban.

1. Ang kalagayan ng Mababang Kapulungan ay kayo na ang humusga at ang Mataas na Kapulungan nama’y kayo na rin ang tumingin; ang Hudikatura diumano’y nasa krisis; at ang Ehekutibo nama’y ating pagmunihan.

2. 16 na milyon (30%) naman ng 54 milyong rehistradong botante ang humalal sa Pangulo noong taong 2016. Ang populasyon ng Sambayanan sa kasalukuyan ay 103 milyon. Ito ang Demokrasya.

3. At ang Tsina nama’y malayang nakapagtatayo ng diumano’y base militar at ilang mga istruktura sa ating Teritoryo.

4. Ang Soberenya o Kataas-taasang Kapangyarihan ng bansa raw ay diumano’y napasasailalim sa makapangyarihang bansang pinapayagang salaulain ang ating teritoryo.

Sa mga kanayunan, kabayanan, lalawigan at rehiyon – sa ating maliliit na pamamaraan, kaya nating magkaroon ng pagbabago’t kaunlarang ating inaasam para sa ating Estado.

Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa loob at buong tapang na inilalabas upang igalang ng mga taga-labas. Sa puso, sa isip, at sa gawa.

Ang bawat taludtod ng awit na “Pilipinas Kong Mahal”, na sinulat ni Francisco Santiago, ay kinakailangang ating isabuhay sa pagkakataong ito:

“Ang bayan ko’y tanging ikaw
Pilipinas Kong Mahal
Ang puso ko at buhay man
Sa iyo’y ibibigay

Tungkulin kong gagampanan
Na lagi kang paglingkuran
Ang laya mo’y babantayan
Pilipinas kong Hirang…”

Alam ko, mahal ng Pangulo ang Pilipinas, ang Sambayanan, at kaya niyang ipaglaban ang ating Teritoryo at Soberenya; at pagkikilusan niya ang naturang pagmamahal…

KUNG tayong higit na isandaang milyong mga mamamayan ay imumulat ang mga mata, sabay-sabay na titindig, manggigising, buong lakas na sisigaw at kikilos.

Kung ang Sambayana’y hindi kikilos, kung ang Pamahalaa’y maraming suliranin sa mga namamahala, at kung ang ating Teritoryo’y unti-unting sinasakop, ang Soberenya ay nasa bingit na alinlangan – nakababahala ang kalagayan ni Inang Bayan.

Kung DDS ka, kung Dilawan ka, maaaring ikaw ri’y terorista – dahil sa inyong sariling pananaw, ang bawat isa ay naghahasik ng karahasan at pananakot, lagim at kaguluhan para sa inyong pulitikal na interes o ng inyong partido, nang hindi naaayon sa Saligang Batas, sa mga ipinasang batas at panuntunang pambansa at mga internasyunal na kasunduan.

Hindi ka DDS, hindi ka Dilawan, hindi ka terorista: ikaw ay Pilipino, na ang interes ay para sa kapakanan ng lahat, ng 103 milyong Pilipino/Pilipina at ng susunod pang salinlahi, ng Teritoryo, ng Soberenya.

Walang DDS, walang Dilawan, walang terorista.

Sana’y ang alingawngaw ng mga kataga ni Gat Andres Bonifacio ay maulinigan ng lahat: “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya. Sa pagkadalisay at pagkadakila. Gaya ng pag-ibig sa Tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.”

At, ikaw, Kabataang Pilipina, Kabataang Pilipino, isapuso ang hamon ni Gat Jose Rizal:

“Itaas ang iyong
Malinis na noo
Sa araw na ito,
Kabataang Pilipino!
Igilas mo na rin ang kumikinang mong
Mayamang sanghaya
Magandang pag-asa ng Bayan kong Mutya!

Makapangyarihang wani’y lumilipad,
At binibigyang ka ng muning mataas,
Na maitutulad ng ganap na lakas,
Mabilis na hangin, sa kanyang paglipad,
Malinis na diwa, sa likmuang hangad.

Ikaw ay bumaba
Na taglay ang ilaw
Ng sining at agham
Sa paglalabanan,
Bunying kabataan,
At iyong kalagiun ang gapos mong iyang
Tanikalang bakal na kinatalian
Ng matulain mong waning kinagisnan.”

Ano pa ang hinihintay mo? Baligtarin ang iyong kasuota’t kumilos, tangan ang kanyang mga utos:

“Hayo na’y tumakbo! Sapagka’t ang banal
Na ningas ng wani’y nais maputungan
Kayong naglalama’y,
At maipamansag ng tambuling tangan,
Saan man humanggan,
Ang ngalan ng tao, sa di matulusang
Lawak ng palibot na nakasasaklaw.”

Bilang Pilipino, mahal mo rin ba ang bansang Pilipinas? #SaTotooLang

Kapayapaan sa lahat, at isang mahigpit na yakap. Mahal kita, kapatid.