Kalayaan nga ba?

Screen Shot 2019-06-12 at 12.00.27 PM

Ang watawat ng Pilipinas ang siyang sumalubong sa amin noong ika-1 ng Oktubre, 2017, sa Lungsod ng Marawi. (Kuha ni Rodne R. Galicha)

Isang napakahalagang kaganapan para sa sambayanang Pilipino ang sariwaing muli at namnamin ang bunga ng mga pagpupunyagi ng ating mga ninuno at bayani na unti-unti na ring naisasakatuparan. Ngunit marami pa rin sa kasalukuyan ang nagtatanong, tunay nga bang kalayaan ang siyang ating nararanasan at nakakamit sa ngayon?

Ang kasaysayan ay bahagi na ng ating kinagisnan, ng ating kultura at tradisyon. Ang kalayaang nakamit noong taong 1898, sa totoo lang, ay bahagi pa rin ng buong kasaysayang hinahabi mula noon at magpahanggang ngayon. Ang paghanap sa tunay na pang-unawa ay isang tuloy-tuloy na gawain. Ang kadakilaan ay bahagi ng kasaysayan – nakaukit ngunit muling isinasabuhay dahil ang kadakilaang hanggang sa ukit at kataga lamang ay patay. Ang nararapat ay ang kadakilaa’y buhay at tuloy-tuloy na dumadaloy sa ating mga ugat.

Mahirap nga ba talagang sundan ang yapak ng mga dakilang Pilipino? Ano nga ba ang lihim kung bakit gayun na lamang pagmamahal sa ating bansa, ang pakikipaglaban upang makamit ang kasarinlan?

Ang kalinangan, ang kinagisnan, ang pagkakakilanlan – ang siyang mga susi upang lubos na maunawaan ang isang pagpupunyagi upang makamit ang kalayaan.

Sa dinami-daming sumakop sa naturingang perlas ng silanganan, maliban sa pang-aaping ating makirot na naranasan, sa buong kasaysayan sa panahon ng kolonyalismo, hindi na rin natin napansing tayo ay araw-araw na nagwawagi dahil ang mga mananakop ay natutunan ang ating mga gawi, pinag-aralan at ginamit ang ating wika at higit sa lahat ipinakilala sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang costumbres delas islas Filipinas. Oo nga nasakop tayo sa pisikal na paraan sa pangkalahatan at ginapos ang ating malayang mga kamay, nasakop rin pala natin ang kanilang kamalayan.

Batid ng lahat na ang kamalayang Pilipino ay bukas, buo, magkakaugnay. Ang mga paniniwala at kinagisnan ay lubos na humuhubog sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Marunong tayong makibagay, makiakma – habang hindi naman isinasawalang bahala ang ating pinagmulan. Maniwala tayo o sa hindi, sa halos lahat ng mga bansang sinakop ng Espanya, ang ating bansa lamang ang nakapanatili ng atin mga wika – mga sariling wika – ang salamin ng kamalayan, ng kalinangan, ng kultura.

Maaaring karapatang pantao, maaaring ideyalismo o pananaw ang ipinaglaban ng ating mga bayani. Ngunit kung sundan ang kanilang mga yapak ng kadakilaan at pakinggan ang kanilang mga yabag – sa dako pa roon, ating matutuklasan ang napag-isang nais: ang isang sabay-sabay na pagkamit ng isang sambayanang malayang naisasabuhay ang pagkakakilanlan, na sa madaling gawi’y taas-noong iwinawagayway ang watawat ng isang bayang kakaiba sa lahat. Malawakan at likas-kayang pagbabago. Bukas at walang imbot.

Nawa, aking panalangin, sa ngayong nasa makulimlim na pagtahak sa daan, kahit maraming talahib at gahiganteng mga bato – maaninag pa rin nating lahat ang liwanag ng pag-asa. At nawa, hindi na kailanman natin gamitin ang mga pangalan ng walang kamalaymalay na mga hayop tulad ng baboy, buwaya at ulupong – upang mapagtakpan lamang ang pag-uulit ng kasaysayang sa ngayo’y hindi na mga banyaga ang nang-aapi at pilit na ginagapos ang ating mga kamay kundi ang sarili na nating mga kababayan. Tandaan natin, mayroon pang may mas makapangyarihan – TAYO na nagbigay ng kapangyarihan – TAYO na nararapat na tumayo.

Bahagi tayo ng tuloy tuloy na kasaysayan ng ating kalayaan. Dala-dala ang ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino sa isip, sa salita at sa gawa: Na pag may nang-aapi, ang tumayo, makialam, mabuhay at magmahal ng dahil sa inyo.

 

(Halaw sa orihinal na talumpati noong ika-116 na Pagdiriwang ng Kalayaan ng Pilipinas, ika-12 ng Hunyo, 2014, na ginanap sa Lalawigan ng Capiz.)