Isang Liham mula sa Malayang Agila

Philippine Eagle in flight. (Photo credit: Carmelo López)

Philippine Eagle in flight. (Photo credit: Carmelo López)

(Isang liham ang aking natanggap mula kay Malayang Agila at sumang-ayon naman siyang ibahagi ito sa madla.)

Sintamis ng muscovadong asukal ang mga katagang aking narinig,  namutawi sa kanyang mga bibig – mga pangakong sa aking mga balahibo’y nagpapatindig. Sa labing-anim na milyon, siya namang isang enkantasyon, paulit-ulit sa aking imahinasyon. Taas-kamaong pumaparada, punum-puno ng pag-asang ang kinabakusa’y sasagana. Ang mabantot na amoy ng matinik na bunga, sa ilong ko’y singbango ng samyong makalangit – na sa aking pagpikit, ang ngiti’y hindi pilit.

Ngunit ito ang totoo – Isang mortal sa aki’y ikinambal, sa hampas ng bagwis ko’y inihalintulad. Paglakbay paitaas, lumagpak sa sementong gubat. Sa ngayo’y aking pakiramdam – sa hawlang lata ako’y ipiniit tulad ng pangakong napakong walang laman. Sinungaling sa sangangdaan, sa simula’y kaduda-duda ang naturan.

Sa unang mga buwan, ang mga bituin ng pag-asa’y ating nasilayan – ang pag-amping sa kinaiyahan, sa yutang kabilin, sa mga katilingban. Ang pag-uswag na hindi huwad, isasama ang mga lumad, pati ang mga lumulupyong kapus-palad. Ang pag-galang sa katungod, sa karebbengam – sa karapatan ng lahat sa malusog at balanseng kinaiyahan.

Sariwa pa rin magpasahanggang ngayon ang mga binitawang mga salita noon: “Malasakit. Tunay na Pagbabago. Tinud-anay nga Kausaban”, “Tinud-anay nga kabag-uhan.”

Maaari ngang napagbigyan ang ating mga panaginip, dahil sa mga kalagayang sa isipa’y di malirip, sa kabila ng mga pagtitiis. Ang aking kalooba’y naghumiyaw sa tuwa nang ang mga nararapat ay kanyang itinalaga!

Sa aktibo at inklusibong Gina Lopez, naramdaman ng mga naghihinagpis ang mahigpit na yakap at paglilingkod na walang kapalit. Ang matagal nang mga suliranin unti-unting pinagkikilusan, dahil ito ang habilin ng mga kinauukulan. 

Ngunit papaano papanagutin ang mga taong dahilan ng paghihinagpis? Sila’y naging balakid sa mga pagbabagong nais?

Prinsipyong hindi mabali raw ang kanyang balaraw – ngunit kung bayad-utang karsonsilyo’y lalawlaw.

Biglang sinakal ang animo’y handa ng dumaloy na mga batis. Naikulong naman bigla ang malayang mga pispis. Ang mga punong masigla nang kumakaway, biglang umurong at nagpakamatay.  Ang mga bakukang ng mina’y humilom na sana at nalinis na rin ang sandamakmak na basura.

Ang lahat nauwi sa wala.

Magkakasama na sana sa ikabubuti, si Gina, Paeng at Judy. Ngunit inisa-isang kinitil ang mga natitirang mga butil – ng pagbabagong hinding hindi pasisiil.

Huwaran nga bang nararapat? O maituturing walang dudang huwad?

Sa dako pa roon sa aking paglipad, dumungaw ang Apo, ulo lang aking nasilayan. Kunot-noong hinanap, anak niyang nalasing sa kapangyarihan.

Sa ating pamahalaan, ang mga tunay na lingkod ay iilan na lamang. Iilan ang huwaran, maraming naghuhuwad-huwaran.

Likas sa sambayanang manlaban lalo na’t ang kalikasan ang tinatayuan. Saksi ang hilaga, timog, silangan at kanluran – may mga kasamahan tayong pinaslang.

Ang matalas kong mga mata kahit pagal, nasulyapan ang bubot na katawan ng batang umiiyak. Tatlumpong bigwas ng punyal sa tatlumpong piraso ng pilak. Berdugo ang aking hanap, sa karimlan ng kalawakan dugo’y dumadanak – bagwis ko ang siyang hahagalpak, mabigyang katarungan ang sa dusa’y nasadlak.

Sa pugad ay inakay, sa mundo’y mga anak ng sigalot. Bagwis ko’y pinakirig ng kidlat na mapoot, makabagong kuryenteng sa aki’y nanuot – kumawala ang aking himutok.

Huni ko’y tabak sa mga mapang-api, bagwis ko’y mga katagang lasong sing-init mula sa kailalimang pagtitimpi, ngunit nagbibigay lakas naman sa may kaloobang mabuti.

Ang kalikasa’y ngumunguyngoy, nakabibingi ang panaghoy. Samahan natin siya, ang buhay, ating pag-asa. Samahan niyo ako sa pakikibaka – sa bawat bigwas ng bagwis ko’y puwersa!

Totoong nagmamahal, hindi huwad:

Sumasainyo,

Malayang Agila